Powered By Blogger

Linggo, Nobyembre 20, 2011

PILIPIkuNO

“Pilipino, Pilipino, Pilipino ang lahi ko…

Pilipino, Pilipino…”



Ito ang mga litanyang isinisigaw ng mga kabataan mula sa labas ng aming bahay ilang linggo na rin ang nakakalipas. Mga kabataang habang nasa ilalim ng espiritu ng alak ay ipinagmamalaking sila ay Pilipino.

Sa mahabang panahon ng pag-ari natin sa ating sarili bilang isang Pilipino ay tila lumipas na rin ang pakahulugan natin sa pagpapahalaga hindi lang sa ating pisikal na kaanyuan kundi pati na rin sa ating likas na katangian. Ah… modernisasyon.

Naaalala ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. Bago pa lamang ako nagsisimulang matutong magsulat at magbasa ng abakada. Bago pa lamang ako natututong gumamit ng aking sariling pamamaraan upang magpahayag ng aking sarili ay may isang bagay na isinisiksik sa akin ang aking mga guro. Ako ay Pilipino. Ipagmalaki ko daw. Ipagmataas ko. Iwagayway ko daw ang bandilang hinabi ng sakripisyo ng mga bayaning nagpalaya sa atin laban sa kuko ng pandarayuhan. Ako ay Pilipino. Tinanggap ko. Isinabuhay. Pinilit na maipagmalaki.

Ngunit sa paglipas ng panahon. Kasabay ng pamamaalam ko sa makalumang abakada. Kasabay ng pagtalikod ko sa aking paguumpisang magsulat at bumasa. Kasabay ng pagharap ko sa bagong umaga. Hindi na ako makawala sa kaisipang ang pagiging Pilipino ay nakakahiya, nakapangliliit, nakapanghihinayang. Bakit? Ah… modernisasyon.

Dati, ang Pilipina ay mabini, kimi, mahinhin at higit sa lahat marunong magpahalaga sa kanyang pagkababae ngunit ngayon… gadangkal ang shorts at palda, makapal ang make-up sa kainitan ng umaga, ang mga kabataan ay sadyang kakaiba- hindi pa nga nakakausad sa pag-aaral ay may mga asawa o dili kaya ay may mga kalaguyo na. Sa kanilang pagbabago ay may isang katangi-tangi, ang mga Pilipina, kapag naaapi at naaapakan ay lumalaban na. Ah… si Maganda ay hindi na lang basta maganda, siya ay nagbago na.

Noon, ang mga makikisig na kalalakihan ay nakikita sa kanilang mga gawa, hindi na ngayon. Ang mga makikisig ay yaong mga kayang makipag-away sa lansangan at yaong mga kayang makipagbuno. Matapang. Sila ang matatapang sa ating kapanahunan. Sila ang iniirog ng mga Pilipinang katangi-tangi na ngayon ang ganda. Ah… si Makisig at Magandang kakaiba.

Isa sa ating mga itinatangi-tangi ay ang ating pisikal na kaanyuan. Si Juang mayroong kayumangging mga balat, may kapandakan at may sarat na ilong. Iyon ang imahe ng Juang dati ay handang magkakalyo ang mga kamay kakabungkal at magdilig ng kanilang pawis upang mabuhay. Ngunit ngayon, itinatanggi ang ating likas na kaanyuan, itinatanggi kung ano ang ipinagkaloob ng Maykapal. Ipinagpapalit. Ipinagpapalit. Ah… paalam Juan ng nakaraan.

Si Juan Tamad na noo’y ipinagtanggol na at ipinilit na maging si Juang Masipag ay tila bumabalik sa nakaraang pagiging tamad. Ah… Juan. Bakit ngayo’y muli ka na namang nakanganga para sa isang bunga.

Hindi na nga yata makakatakas sa pagkakalimot ang makalumang Juan.

Ngayon, matapos kong makita ang aking sariling bansa kaagapay ang aking sariling lahi ay tila nababaon na rin sa pagkalimot ang noo’y mga leksyong isiniksik sa akin ng aking mga guro sa elementarya- “Pilipino ka. Ipagmalaki mo. Ipagmataas mo.” Ah… nakabibingi.

“Pilipino, Pilipino, Pilipino ang lahi ko… Pilipino…”

Wala akong magagawa. Pilitin ko mang ibalik ang kaanyuan, imahe at karakter ng dating si Juan Dela Cruz ay ito na ang namamayaning katotohanan, Pilipino pa rin ako sa aking pananalita. Dugong Pilipino pa rin ang nananalaytay sa aking mga ugat. Pilipino pa rin ang aking isip at gawa. Bumubukal pa rin sa akin ang katauhan ng isang Juan. Ako ay isinilang sa bansang Pilipinas kung saan nakaapak ang mga kunong Pilipino. Mga Pilipinong nakalimot sa pinagmulan, ang nakaraan ay tinalikdan, nagkait sa pagtangkilik sa likas nating katangian.

Hindi ko man muling masulyapan ang nakaraang si Juan ay hindi pa rin ako padadaig sa bago nitong kaanyuan. Ayoko… ayokong maging makabagong si Juan. Ayokong maging isang Pilipino kunong nagmamahal sa bayan.



Pinagkuhanan:

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento