Powered By Blogger

Linggo, Nobyembre 20, 2011

PILIPIkuNO

“Pilipino, Pilipino, Pilipino ang lahi ko…

Pilipino, Pilipino…”



Ito ang mga litanyang isinisigaw ng mga kabataan mula sa labas ng aming bahay ilang linggo na rin ang nakakalipas. Mga kabataang habang nasa ilalim ng espiritu ng alak ay ipinagmamalaking sila ay Pilipino.

Sa mahabang panahon ng pag-ari natin sa ating sarili bilang isang Pilipino ay tila lumipas na rin ang pakahulugan natin sa pagpapahalaga hindi lang sa ating pisikal na kaanyuan kundi pati na rin sa ating likas na katangian. Ah… modernisasyon.

Naaalala ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. Bago pa lamang ako nagsisimulang matutong magsulat at magbasa ng abakada. Bago pa lamang ako natututong gumamit ng aking sariling pamamaraan upang magpahayag ng aking sarili ay may isang bagay na isinisiksik sa akin ang aking mga guro. Ako ay Pilipino. Ipagmalaki ko daw. Ipagmataas ko. Iwagayway ko daw ang bandilang hinabi ng sakripisyo ng mga bayaning nagpalaya sa atin laban sa kuko ng pandarayuhan. Ako ay Pilipino. Tinanggap ko. Isinabuhay. Pinilit na maipagmalaki.

Ngunit sa paglipas ng panahon. Kasabay ng pamamaalam ko sa makalumang abakada. Kasabay ng pagtalikod ko sa aking paguumpisang magsulat at bumasa. Kasabay ng pagharap ko sa bagong umaga. Hindi na ako makawala sa kaisipang ang pagiging Pilipino ay nakakahiya, nakapangliliit, nakapanghihinayang. Bakit? Ah… modernisasyon.

Dati, ang Pilipina ay mabini, kimi, mahinhin at higit sa lahat marunong magpahalaga sa kanyang pagkababae ngunit ngayon… gadangkal ang shorts at palda, makapal ang make-up sa kainitan ng umaga, ang mga kabataan ay sadyang kakaiba- hindi pa nga nakakausad sa pag-aaral ay may mga asawa o dili kaya ay may mga kalaguyo na. Sa kanilang pagbabago ay may isang katangi-tangi, ang mga Pilipina, kapag naaapi at naaapakan ay lumalaban na. Ah… si Maganda ay hindi na lang basta maganda, siya ay nagbago na.

Noon, ang mga makikisig na kalalakihan ay nakikita sa kanilang mga gawa, hindi na ngayon. Ang mga makikisig ay yaong mga kayang makipag-away sa lansangan at yaong mga kayang makipagbuno. Matapang. Sila ang matatapang sa ating kapanahunan. Sila ang iniirog ng mga Pilipinang katangi-tangi na ngayon ang ganda. Ah… si Makisig at Magandang kakaiba.

Isa sa ating mga itinatangi-tangi ay ang ating pisikal na kaanyuan. Si Juang mayroong kayumangging mga balat, may kapandakan at may sarat na ilong. Iyon ang imahe ng Juang dati ay handang magkakalyo ang mga kamay kakabungkal at magdilig ng kanilang pawis upang mabuhay. Ngunit ngayon, itinatanggi ang ating likas na kaanyuan, itinatanggi kung ano ang ipinagkaloob ng Maykapal. Ipinagpapalit. Ipinagpapalit. Ah… paalam Juan ng nakaraan.

Si Juan Tamad na noo’y ipinagtanggol na at ipinilit na maging si Juang Masipag ay tila bumabalik sa nakaraang pagiging tamad. Ah… Juan. Bakit ngayo’y muli ka na namang nakanganga para sa isang bunga.

Hindi na nga yata makakatakas sa pagkakalimot ang makalumang Juan.

Ngayon, matapos kong makita ang aking sariling bansa kaagapay ang aking sariling lahi ay tila nababaon na rin sa pagkalimot ang noo’y mga leksyong isiniksik sa akin ng aking mga guro sa elementarya- “Pilipino ka. Ipagmalaki mo. Ipagmataas mo.” Ah… nakabibingi.

“Pilipino, Pilipino, Pilipino ang lahi ko… Pilipino…”

Wala akong magagawa. Pilitin ko mang ibalik ang kaanyuan, imahe at karakter ng dating si Juan Dela Cruz ay ito na ang namamayaning katotohanan, Pilipino pa rin ako sa aking pananalita. Dugong Pilipino pa rin ang nananalaytay sa aking mga ugat. Pilipino pa rin ang aking isip at gawa. Bumubukal pa rin sa akin ang katauhan ng isang Juan. Ako ay isinilang sa bansang Pilipinas kung saan nakaapak ang mga kunong Pilipino. Mga Pilipinong nakalimot sa pinagmulan, ang nakaraan ay tinalikdan, nagkait sa pagtangkilik sa likas nating katangian.

Hindi ko man muling masulyapan ang nakaraang si Juan ay hindi pa rin ako padadaig sa bago nitong kaanyuan. Ayoko… ayokong maging makabagong si Juan. Ayokong maging isang Pilipino kunong nagmamahal sa bayan.



Pinagkuhanan:

Martes, Nobyembre 15, 2011

PILIPINO ka kung...

"Pilipino, Pilipino, Pilipino ang lahi ko..."
Malamang na habang inaawit mo ito ay nangingiti ka dahil tanda ito ng pagmamalaki mo sa iyong lahi o sa iyong pagka-Pilipino. Pero, maaari rin namang habang inaawit mo ito ay nangingimi kang sabihin ang lahi mo. Bakit? Malamang na kadikit na kasi ng salitang "Pilipino" ang mga gawaing tumatatak na sa mata ng ibang tao.

Oo nga naman, hindi naman kataka-taka na napakaraming bagay ang idinidikit na sa balat ng mga Pilipino, marami na rin kasing kapalpakang ugali ang ipinapakita ng mga kalahi ko (promise, hindi ako kasali sa kanila).

Unang-una, Pilipino ka kung mahilig kang magreklamo. Kung hilig mong silipin ang mga gusot sa bansang Pilipinas. Kung mahilig kang makisawsaw sa mga problemang hindi ka naman talaga kasama. Kung mahilig kang makitsismmis o gumawa ng tsismis na talaga namang hindi totoo. Kung mahilig kang magbigay ng opinyon kahit na hindi mo naman alam ang lahat ng anggulo ng isyu. O, iilag ka pa? E, Pilipino ka nga.

Keep of the grass nga di ba?
Pilipino ka kung nadadaya ka ng mga buwaya sa kongreso. Kung naiisahan ka ng mga gahamang pulitiko na una ay mabait na parang isang maamong kordero pero kapag naglaon ay lalabas ang ngipin ng pagiging ganid at aamba pang sakmalin ang kaban ng bayan. Kung tuwing halalan ay nagogoyo ka ng mga palabas at pakitang-tao ng mga pulitiko kunong may pagmamahal sa bayan at magdadala ng kaunlaran. O, di ba? Nadaya ka na nila?

Pilipino ka kung hilig mo ang pagrarally at paggawa ng samahang tututol sa mga pakana ng pamahalaan. Kung naisipan mo na o nagawa mo na ang mariing pagtutol sa mga proyekto o kaya naman ay sa pamamalakad ng gobyerno. Kung minsan ay ginusto mo ng palitan sa kasaysayan si Jose Rizal sa pagsulat ng mga reklamo at hinaing sa lumpong bayan ni kawawang Juan. O, di ba? Rekalamador ka rin minsan?
Bawal talagang tumawid?


Higit sa lahat, Pilipino ka kung hindi ka marunong sumunod sa mga batas at paaalala na nakalagay na sa iyong harapan. Halimbawa, "Bawal Tumawid" pero dahil Pilipino ka, tatawid ka pa rin at magmamaang-maangan.

Hay... ako? Pangangatawanan ko naman na ako ay Pilipino. Basta mawala lang ang mga kapwa ko na LOKO!


Sino ang tunay na nagwagi?

Beauty with a purpose.

Ito ang tema ng nakaraang Ms. World 2011 na pinagwagian ni Ivian Sarcos na sinundan naman ng pambato ng Pilipinas na si Gwendoline Ruais.

Marami ang nadismaya sa pagaakalang makukuha ng Pilipinas ang korona sa kauna-unahang pagkakaton. Kitang-kita naman at halatang halata na nagpamalas si Gwendoline ng kaniyang talino ng tanungin ng lupon ng inampalan. Samantalang si Ms. Venezuela ay gumamit ng kanilang sariling wika upang sagutin ang tanong.
Ano ba dapat ang katangian ng isang Ms. World?

Unang-una, dapat ay marunong itong gumamit ng wikang naiintindihan ng buong mundo sapagkat kaya naman nagkaroon ng patimpalak na katulad nito ay upang pag-ugnayin ang bansa gamit ang kagandahan. At sa puntong ito, sino ang tunay na mas lamang? Hindi ba't ang pambato ng Pilipinas?

Marami na rin ang umapela sa mga paligsahang kitang-kita na ang Pilipinas dapat ang manalo pero sa huli hindi pa rin nakukuha ang kampeonato.

Tulad na lamang ng pagkabigong makuha ang korona ng mga binibining sina Shamcey Supsup at Ma. Venus Raj na parehong inakala na magiging Reyna sa mga paligsahang nilahukan.

Hindi dahil ako ay Pilipino kung kaya't pinagtatanggol ko ang kapwa ko Pilipino. Kailangan lang talagang ihayag ang totoo.

Ngunit anumang mangyari ay kita naman talaga ang totoo. Hayaan na lamang na tao ang humusga kung sino ang tunay na panalo.

Lunes, Nobyembre 14, 2011

Paulit-ulit?

Bakit ang mga Pilipino? Kapag sinabi mo na ng isang beses, hindi pa maniniwala, gusto pa pauulit-ulitin. Masyado na bang rumurupok ang utak natin?

Halimbawa:

Boy: Kamusta ka na?
Girl: Ako? Ako ba?

Dahil tuloy sa mga ganitong mga sagot na parang hindi pinag-iisipan, nakukuha nating mamilosopo.


Boy: Kamusta ka na?
Girl: Ako? Ako ba?
Boy: Hindi, ako, ako na lang. PAULIT-ULIT???


Hindi lang 'yan sa pagtatanong, minsan, nadadala na natin sa buhay natin ang maging paulit-ulit na lang. Tulad nung nakaraang bagyong Quiel, ilan na bang bagyo ang dumaan sa bansa? Para nga yatang hindi na kayang bilangin ng mga daliri ko. Pero ayun pa rin at hindi natututo. Yung ibang mamamayang Pilipino, lumikas lang nung bumabaha na. Yung iba, nagrereklamo kasi wala raw paabiso pero ang totoo, matigas ang ulo! Kailangan pa bang paulit-ulitin na sa tuwing malakas ang bagyo at kailangang lumikas ay dapat lilikas talaga! Ano, Paulit-ulit?

Sa Kongreso, may mga paulit-ulit na rin lang na gawain ang senado. Iyon ay yung magpasa ng batas na hindi man talaga kailangan. Halimbawa, anti-planking law, tapos pagbabawal sa pagsasampay sa harap ng bahay at kung nanu-ano pa. Paulit-ulit na lang ang pagpapasa ng mga batas na wala namang kuwenta. Buti pa ang RH Bill, ilang ulit ng ipinanukala hindi pa rin maipasa, ano, ilang ulit pa? E ito nga ang batas na mas maganda.

Ano pa ba? Ano pa nga ba?

Huwag ng lumayo, mismong ang bansa na lang ang tingnan. Paulit-ulit na lang ang dayaan sa botohan tuwing halalan. Paulit-ulit na lang ang pagpatay sa mga mamamahayag. Paulit-ulit na lang ang mga krimen na isang malaking question mark ang may kasalanan. Paulit-ulit na lang ang korupsyon. Paulit-ulit na lang pagbagsak ng bansa pero hindi naman nauuulit ang pagbangon. Paulit-ulit na lang ang mga pangako ng mga nasa kinauukulan, syempre, paulit-ulit rin ang pagbali ng mga pangakong ito.Paulit-ulit na lang ang pagsasampa ng kaso kay Gloria, kung kailangang ipakulong bakit hindi ngayon na? Paulit-ulit na lang sinsabi ni PNOY na pag-unlad, uulitin ko pa ba ang tanong para sa kanya? O sige, nasaan na nga ba?

Sandamukal talaga ang paulit-ulit sa bayan ko, kahit sa kanto, makakakita ka ng paulit-ulit na gawain ng mga Pilipino. Paulit-ulit ang panganganak ng mga mahihirap na wala namang maitustos sa pamilya. Paulit-ulit ang pagrereklamo ng mga Pilipino e maghapon lang naman kung tumunganga. Paulit-ulit na nagdarasal ng isang himala e wala namang ginagawa.

Talagang nakatatak na sa dugo at lahi ng mga Pilipino ang paulit-ulit, mula sa maliliit na bagay hanggang sa mga nakakaapekto sa bansa. PAULIT-ULIT!

Ngayon, kung hindi mo naintindihan ang artikulong ito ay malamang na uulitin mong basahin ito. Magtataka ka pa e Pilipino ka nga. PAULIT-ULIT!

www.pagsulat.com

Kompyuter. Cellphone. Ipad.



Ano nga ba ang magagawa ng bolpen at ng kapirasong papel upang talunin ang mga bagay na ito lalo pa at umuusad na tayo patungo sa mundong moderno?

Malaki na nga ang ipinagbago ng panahon. Dati ay gumuguhit lamang ang mga tao upang magtala ng mga impormasyon at upang ibahagi ito sa iba katulad na lamang ng heiroglyphics sa iba't ibang dako ng mundo, ngunit sa patuloy na pagusad ng mga taon ay natuto na ang tao na magsulat gamit ang mga titik ng kani-kanilang lahi.

Pagsulat. Napakalaki ng kahalagahan ng pagsulat. Maaari kang magbahagi ng impormasyon gamit ang pagsulat. Maaari kang magpahayag ng iyong damdamin gamit ang pagsulat. Ngunit dahil na rin sa mabilisang ebolusyon ng mga gawain ng tao, ang pagsulat ay hindi na nakasalalay sa mga letrang huhubugin ng kamay sa tulong ng papekl at pluma. Mayroon ng mga gamit katulad ng computer na mas mabilis ang transaksyon ng impormasyon. May mga cellphone na kayang magpadala ng mensahe sa ilang pindot lamang. Hindi na nga talaga masyadong kailangan ng bolpen, lapis at papel upang isagawa ang mga nakagawian na. MODERNO na ang panahon, MODERNO na rin ang panulat ngayon.


HIndi na maikakaila, maaaring dumating na rin ang araw na babagsak ang produksyon ng papel at ng mga panulat dahil mapapalitan na mga makinaryang gawa ng makabagong teknolohiya. Maaaaring dumating ang araw na hindi na kailangang gumamt ng bolpen upang isatitik ang mga bagay na gusto nating sabihin. Pero ganu'n pa rin naman, magkakakalyo pa rin naman ang lahat kahit na mano-manong pagsulat ang gawin o di kaya naman ay pagpindot at pagkalikot. 

Gaano man sabihin na moderno na nga tayo at kaya na nting kalimutan at hindi gawin ang pagsulat, mananatili pa rin tayong nakadikit sa ating pinagmulan. Hindi pa rin mapapalitan ang kasaysayan  na noong unang panahon ay nagsusulat ako hindi tulad ngayon... nagtatype na lang.

HUWAG HUMANAP NG MASISILIP NA BUTAS.

Nobyembre 13- muli na namang tumigil ang mundo ng mga Pilipino dahil muli na namang nakipaglaban para sa karangalan ang pambansang kamao ng Pilipinas na si Manny Pacquiao laban sa masasabing pinakamahigpit na niyang nakasagupaan sa mahabang panahon ng kanyang pakikibaka, si Juan Manuel Marquez.

Hindi na maikakaila na sa pangatlong pagtutuos ng dalawang beterano pagdating sa boksing ay nadismaya ang mamamayang Pilipino sa ipinakita ng ating pambansang kamao. Marami ang nagbigay ng kuro-kuro na si Marquez daw talaga ang dapat nanalo hindi si Pacman ngunit ang hindi nakita ng mga nagaalinlangang ito ay ang katotohanan sa naging laban ni Pacquiao


Manuel Marquez, habang inaapakan si Manny Pacquiao sa laban





Ito ang naging resulta sa laban ni Pacquiao-Marquez

Punches thrown 578 vs 436
Punches connected 176 vs 138
Jabs thrown 304 vs 182
Jabs landed 59 vs 38
Power shots
No. attempts 274 vs 254
No. of hits 117 vs 100
Per round
Ave. punches thrown 49 vs 36
Ave. punches landed 14 vs 11

Mula sa mga datos na ito ay makikita ang katotohanan na si Pacman talaga ang nagwagi. Bagama't iginigiit din ni Marquez na siya ang nanalong muli sa pagkakagtaong ito ay wala ng magagawa. Pangita na ang pagkapanalo ng pambansang kamao.

Sa mga Pilipinong humahanap ng butas upang masabing hindi talaga nagwagi ang ating pambansang kamao ay ito ang pangsupil sa mga baluktot ninyong paniniwala- masyado lang kayong tumuon sa kagustuhan ninyong mapataob ni Pacman si Marquez dahil hindi naman nito nagawa.'

At kung anupaman ang inyong dahilan upang sabihing nabigo si Pacman ay nabigo rin kayong lasunin ang isip ng mga Pilipinong nagtiwala sa kakayahan ng ating pambato. HUWAG HUMANAP NG MASISILIP NA BUTAS.

Ang Bolpen Ko



Pluma- sandata ng isang tulad ko upang isiwalat ang katotohanan, upang iparamdam sa mambabasa ang aking damdamin na syang magmumulat sa iba sa totoong nangyayari sa bansa. Upang masabing may pakialam ako at nakikialam ako.

Pilipinas- isang bansang talamak ang katiwalian, isang bansang bumabalani ang mga sistemang malamya at mahina, isang bansang mas maigting ang kabuluktutan, isang bansang nahahanay sa pinakamhirap dahil pinakatalamak ang katiwalian.



Pluma at Pilipinas- sadyang malayo ang agwat ng Pilipinas at ng idealismo ng aking pluma. Hangad kong maihayag ang lahat ng anggulo ng katotohanan, hangad kong silipin ang lahat ng kabuluktutan, hangad kong gamit ang aking pluma ay mapanindigan ko ang pagpapalaya sa bilibid ng pagkaalipin sa mga Pilipinong tulad ko. Hinid man madaling pagsamahin ang aking bansang nasasabugan ng kadiliman sa pluma kong nagnanais ng kaliwanagan ay pipilitin ko pa ring isatitik ang lahat ng mga bagay na isinisiwalat ng aking obserbasyon na humuhubog sa malayang opinyon.


Malayo na ang nilakbay ng mga panulat ko, labing apat na taon na rin akong nakikibaka sa mundo, ilang taon ko na rin ninais na maging kabahagi ng liga ng katotohanan, matagal ko na ring hinangad na mapagsama ang dalawang anggulo ng bayan ko at ng pluma ko. Tatlong kulay- pula, asul at dilaw. Pulang tinta para sa kikibaka, asul para sa pagkakaisa at dilaw para sa pag-asa.

Alam ko at nararamdaman ko. HANDA NA ANG BOLPEN KO. Pilipinas, handa na akong iguhit ang iyong mundo. HANDA NA ANG BOLPEN KO.